“Mga 7 out of 10 [ang drill] kasi mabilis na ang paglabas ng ng mga taong sangkot. Iyon naman ang mahalaga, makalabas sila from their buildings nang mabilis para hindi sila maabutan ng kahit na anong earthquake or aftershocks.” Ito ang sinabi ni ginoong Jiyger Pre, Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Head ng DMMMSU-SLUC Agoo sa naganap na earthquake drill nitong ika-14 ng Nobyembre, 2019.
Sa ganap na 9:00 ng umaga tumunog ang sirena ng munisipyo ng Agoo; kasabay nito ang pagbatingting din ng fire alarm ng iba’t ibang departamento ng paaralan. Mabilis naman ang pagkilos ng mga estudyante mula elementarya hanggang kolehiyo at pati na rin ang mga guro sa paglabas mula sa kanilang mga silid at opisina. Nakapatong ang kanilang mga kamay sa kanilang ulo habang naglalakad patungo sa oval bilang evacuation site.
“Compared sa previous na earthquake drill in terms of response ng mga estudyante, mas mabilis ngayon.” Positibong giit ni Pre. Dagdag pa niya, mas maganda rin ang pagtugon ng mga guro ngayon kumpara sa nakaraang drill. Pinuri niya rin ang pakikiisa ng Campus Student Body Organization (CSBO) officers dahil sa aktibong pakikilahok nila sa naganap na aktibidad. “Very laudable sila and visible sila; nagreport sila dito sa command post,” ani Pre.
Sa panayam naman mula kay CSBO Chairman Michael Cepillo, naging maganda rin para sa kaniya ang takbo ng earthquake drill. “15-20 minutes, na-clear na lahat ng mga tao doon sa kanilang building,” sambit ni Cepillo.
Ayon naman kay Porferio Soloria, Non-Teaching staff, mabilis din ang pagresponde ng mga taong kabilang sa naturang gawain. “Iyong mga estudyante, nakita natin na mabilis ‘yong response nila sakaling may calamities na mangyari. Alam naman natin na anytime pwedeng magkaroon ng sakuna lalo na ‘yong katulad ng nangyaring lindol sa Mindanao.
Gayunpaman, may kahinaan ding nahinuha mula sa nasabing aktibidad. Sinabi ni Sheila Mae Perado, BA Communication student na hindi naging maayos ang pagkakahanay ng mga mag-aaral sa evacuation site. “Mas maganda ‘yong earthquake drill noong nakaraan kasi may mga linya-linya. Ngayon parang iba-iba ‘yong pagkakaayos ng mga estudyante.
Suhestiyon ng DRRM Head na mas maikalat pa ang mga anunsiyo ng earthquake drill. Mungkahi naman ng CSBO Chairman na magkaroon ng sariling ambulansya ang paaralan.
Ayon asahan ng mga estudyante, mga guro at mga trabahador, na magiging makatotohanan ang susunod na earthquake drill.
(c) John Dovi Gonzales
The College Forum
Ms. April Rivera