Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan 2022: Muling Pagtuklas sa Karunungang Bayan, nagsagawa ang DMMMSU-Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ng isang panayam hinggil sa temang, “Sirib: Ambag ng Panitikang Iloko sa Identidad ng mga Ilokano sa Bansa”. Pinangunahan ito ni Prop. Dona F. Canda, Direktor ng DMMMSU-SWK kaagapay ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa tulong ng masigasig na dekana ng Kolehiyo ng Sining at Agham (CAS), Dr. Raquel D. Quiambao sampu ng kaguruan ng programang Batsilyer ng Sining sa Filipino (BS Filipino) na binubuo nina Dr. Renante D. Malagayo (Tagapangulo), Dr. Rhodora B. Ibababao, Prop. Magdalena C. Mangaoang, at Prop. Marnielyn A. Cavinta.
![](https://www.dmmmsu.edu.ph/wp-content/uploads/2022/04/278776454_3260897267487336_8492408890336851048_n-1024x572.jpeg)
Ang mensahe ni Dr. Arthur P. Cassanova, tagapangulo ng KWF ay nagbigay paalala sa mga kalahok sa kahalagan ng paggunita sa karunungang bayan ng mga Pilipino. Sang-ayon din dito ang mensahe ni Dr. Malagayo, tagapangulo ng BS Filipino, na ang sining at kultura ng mga Ilokano ay may malaking ambag sa pagpapayaman ng kulturang Pilipino sa bansa.
Naging makabuluhan ang talakayan sa pamamagitan ni Associate Professor of Literature Junley L. Lazaga ng Unibersidad ng Pilipinas – Baguio. Binigyang diin niya ang materyal at di-materyal na kultura ng mga Ilokano. Ilan sa mga ito ang panitikan ng mga Ilokanong manunulat at tagasalin na magpahanggang ngayon ay ginagamit pa rin sa pagtuturo sa mga paaralan.
Bilang pangwakas, nagbigay ng pasasalamat at pagbati si Prop. Canda sa isang matagumpay at makabuluhang panayam. Nagsilbing tagapagdaloy si Prop. Cavinta sa tatlong oras na sesyon na dinaluhan ng 53 guro’t mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan ng Rehiyon I. (Marnielyn Cavinta)