Matagumpay na pinangunahan ng Kolehiyo ng Edukasyon- Departamento ng Filipino ang tatlong araw na webinar-workshop na naganap nitong Agosto 24-26, 2021 sa DMMMSU-SLUC, Agoo, La Union. Dinaluhan ito ng mga guro sa Filipino at iba pang disiplina mula sa NLUC, MLUC at SLUC na gumagamit at interesado sa paggamit ng wikang Filipino sa pananaliksik.
Kaakibat sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, naisakatuparan ang adbokasiyang ito sa layuning 1) Malinang ang kaalaman, kakayahan at kasanayan ng guro sa pagsulat ng kwalitatibong papel pananaliksik at makaagapay sa pagtuturo nito sa panahon ng pandemya na dulot ng COVID-19 na virus; 2) Magamit ang wikang Filipino bilang wika ng pananaliksik; 3) Mahikayat ang mga guro na magsulat ng papel pananaliksik at bilang bahagi ng kanilang propesyonal na pag-unlad; 4) Maibahagi ang mga bahagi, hakbang at estratehiya sa pagsulat at pagsasagawa ng kwalitatibong pananaliksik; 5) Makabuo ng konseptong papel sa pananaliksik sa iba’t ibang larangan o disiplina; 6) Matalakay at maibahagi ang mga dapat isaalang-alang sa presentasyon ng pananaliksik sa mga komperensiya; at 7) Mailahad ang mga batayang tuntunin at mga hakbang sa paglathala ng mga natapos na pananaliksik.
Naging tagapanayam ang mga batikang personalidad ng Pamantasang Normal ng Pilipinas na sina Dr. Niña Christina L. Zamora at Dr. Adonis P. David. Kanilang tinalakay ang Introduksyon sa Proseso ng Pagbuo ng Kwalitatibong Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino, Lektyur sa Pagbuo ng Suliraning Pampananaliksik sa Kwalitatibong Pananaliksik, Lektyur sa Pagsulat ng Kaugnay na Literatura at Pagbuo ng Konseptwal na Balangkas, Lektyur sa Metodolohiya sa Kwalitatibong Pananaliksik, Lekytur sa mga Paraan/Teknik sa Pangangalap ng Datos, Pag-aanalisa at Pagpapakahulugan ng mga Datos, at Lektyur sa Presentasyon at Paglalathala ng Pananaliksik.
Masusi nilang ginabayan ang mga presentasyong inihain sa mga worksyap lalo na sa aspetong teknikal. Dito rin nasubok ang kakayahan ng kaguruan sa DMMMSU pagdating sa paghahanda at pagbuo ng papel-pananaliksik.
Ang adhikaing ito ay pinamunoan ni Propesor Erwina Y. Tadifa, katuwang ang kaguruan ng Departamento ng Filipino sa gabay ni Dr. Nona M. Rivera, ang Dekana ng Kolehiyo ng Edukasyon. (John Noel S. Nisperos)